LMB ANG LALAPIT SA INYO
Sa paglalayong makakuha ng impormasyon at mga dokumento patungkol sa mga nakabinbing kaso at aplikasyon sa lupa na may kinalaman sa Proclamation No. 172, nagsagawa ang Land Management Bureau (LMB) ng Pangkalahatang Pagpupulong (General Assembly) noong ika-06 ng Hulyo 2018 sa Ballecer covered court, South Signal Village, Taguig.
Ang nasabing pagpupulong ay pinamunuan ni Direktor Emelyne V. Talabis, kasama ang Legal at Land Management Division (LMD) at mga opisyales ng Barangay South, North, at Central Signal Village.
Sa isinagawang pagpupulong, personal na ipinaalam ng Direktor sa mga dumalo ang kasalukuyang mga proyekto at gawain ng ahensiya upang makakalap ng sapat na impormasyon at dokumento sa madaling panahon. Sinigurado niya sa mga tao na sa kabila ng nangyaring sunog, mananatili ang serbisyong pampubliko ng ahensya. Gayunpaman, hinihingi niya ang tulong at kooperasyon ng mga tao upang mapabilis ang proseso.
Namahagi ng mga dokumento (forms) ang Legal at LMD upang makakuha ng impormasyon sa mga taong may nakabinbing kaso o aplikasyon sa lupa na may kinalaman sa Proclamation No. 172. Pinayuhan din nila ang mga residente kung ano ang nararapat nilang gawin upang magpatuloy ang kanilang transaksyon sa ahensya.
By: Atty. Joanna May R. Casita